Friday, June 29, 2007

Bulaklak sa Aking Panaginip

Sa aking pananahimik, ako’y sumisigaw
Sa aking pagpikit, silahis ay sumusungaw
Sa aking pamamahinga, katawan ay pagal
Sa aking pagtitika, nalimot ko ang dasal.

Pagtulay sa lubid na nakatali sa bahaghari
Mandin ay naputol at sa ulap naglupagi
Binasa ng ulan ang nanglilimahid na isip
Pumatak sa pilapil at sinipsip ng mga binhi.

Sa aking paglangoy, naglalakad sa misla
Sa aking paglipad, kasabay ang mga baka
Sa aking paglakad, di sumasayad ang paa
At sa aking pagsisid, kasabay ang mga maya.

Ng masipsip ng bulaklak ang hamog at ulan
Bumukadkad sa liwanag ng hilam ng buwan
At umindayog sa saliw ng ihip ng amihan
Humalimuyak ang bango, abot sa kakahuyan.

Sa aking pagkain, gutom ang nararamdaman
Sa aking pag-inum, nauuhaw ang lalamunan
Sa aking pagluha, mga ngiti ang sumisilay
At sa gitna ng kasayahan, ako’y umaatungal.

Naamoy ng bubuyog at sumugod sa parang
Sinundan ang bango, pang-amoy di malinlang
Dumapo’t ininum ang nectar sa kailaliman
Ng mabusog ay sumibad pabalik sa pukyutan.

Thursday, June 7, 2007

Sa Buhos ng Ulan

Sa buhos ng ulan na kanina’y dumatal
Inanod ang mga luha ng pusong pigtal
Ngunit ang lumbay na pilit kumikintal
Naiwang sumusugat na animo’y punyal.

Basa ang daan ngunit tuyo ang isipan
Ang tikatik, tila karayom ang damdam
Ang mga tinig nilalamon ng kawalan
Tila sadyang ayaw marinig ang sigaw.

Ng pusong nadurog sa pagkakahulog
Sa balong hinukay ng kalahating siglo
Inalay na lahat sa kanilang nagkanulo
Sa mga bungang nahulog, di na tumubo.

Duyan ng alaalang hitik sa katuwaan
Iginupo ng hangin, binagyo at inulan
Pag-asang hinawakan, napaso’t iniwan
Ngayon ang hilahil walang pagkaparam.

Nasaan na kaya, mga halaklak sa kuna
Ang mga habulan sa gilid ng tumana
Ang mga biruan at miminsang tampuhan
Alaala na lang ng tumatakas na katinuan.

Malamlam ang sikat ng nahihiyang araw
Nakikiramay sa luhang ayaw pumanaw
Nawa’y lumakas pa ang ulang pumasyal
At dalhin lahat ng sakit, pati na ang buhay.