Sa buhos ng ulan na kanina’y dumatal
Inanod ang mga luha ng pusong pigtal
Ngunit ang lumbay na pilit kumikintal
Naiwang sumusugat na animo’y punyal.
Basa ang daan ngunit tuyo ang isipan
Ang tikatik, tila karayom ang damdam
Ang mga tinig nilalamon ng kawalan
Tila sadyang ayaw marinig ang sigaw.
Ng pusong nadurog sa pagkakahulog
Sa balong hinukay ng kalahating siglo
Inalay na lahat sa kanilang nagkanulo
Sa mga bungang nahulog, di na tumubo.
Duyan ng alaalang hitik sa katuwaan
Iginupo ng hangin, binagyo at inulan
Pag-asang hinawakan, napaso’t iniwan
Ngayon ang hilahil walang pagkaparam.
Nasaan na kaya, mga halaklak sa kuna
Ang mga habulan sa gilid ng tumana
Ang mga biruan at miminsang tampuhan
Alaala na lang ng tumatakas na katinuan.
Malamlam ang sikat ng nahihiyang araw
Nakikiramay sa luhang ayaw pumanaw
Nawa’y lumakas pa ang ulang pumasyal
At dalhin lahat ng sakit, pati na ang buhay.
Thursday, June 7, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment