May bagyong darating sa ating piging
Ang dala niya ay mga ulang binagting
Lulunurin niya mga nakaraang hinaing
Papalitan ng kalunos-lunos na daing.
Hindi ka pwedeng umiwas o magtago
Saan ka man sumuot, lilitaw ang ulo
Saan man kumanlong, kita ang kuko
Maaari siguro kung magbabalat-kayo.
Pati mga anas ay kanyang pakikinggan
Mga mensahe sa ulap kanyang tititigan
Ibabaon sa gitna ang tenga ng bayakan
Upang kalapin, balita sa sangang-daan.
Manunuot ang baho sa pagkaalingasaw
Ng mga lulutang na basura sa ibabaw
At kapag inanod patungo sa labi't dila
Hahabiing bigla at gagawing tanikala.
Mag-ingat sa pagkubkob ng kadiliman
Sa iyong pagpikit itatanim ang punyal
Na mamumulaklak ng kasinungalingan
Na siya ring itatarak sa iyong katinuan.
Iwasang ituring na taga-kabilang hanay
Upang hindi sundan ng hanging Amihan
Na siyang sisinghot sa iyong kabahuan
At ibabalik na parang baltik ng bulkan.
Humanda ka nguni’t ‘wag kang hihiyaw
Papalapit na ang bagyong hahalihaw
Sa kinagisnang malayang pamumuhay
Lakasan mo ang loob at magpakatibay.
Sunday, July 15, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment