Tuesday, April 24, 2007

Pagniniig

Gumagapang na pawis sa samyong bulaklak
Animo’y binging piging sa kalangitang bulak
Hangi’y sinasagap sa mumunting paglanghap
Ang katawang sa saplot ay hindi nagpaunlak.

Malamig na hangi’y nagiinit sa pagsungkil
Parang sigwal ng alon sa dalampasigan sikil
Parang buwang maliwanag sa tatamang sinag
Nakangiting naglalayog sa madilim na gubat.

Pikit na labi, sa paglayag ay tila pinangingiti
Dahan-dahang bigla, ang isip ay ‘di mapakali
Sisigaw, tatawa, minsan nama’y mapapahikbi
Naghahalong ligaya at hindi mapigil na pagtili.

Sasabog na init sa sakdal tamis na pagniniig
Hindi kayang pigilin buhusan man ng tubig.
Aagos na parang batis sa kagubatang dinidilig
Biyaya ng buhay, pagpapalayog ng pag-ibig.

Monday, April 23, 2007

Mapaglarong Daangbuhay

Ang buhay ba ay sadyang tadhana
Iisang hibla sa mundong itinalaga?
Mga yapak ba sa bato ay naisulat na.
Mga pangarap ba ay nangyayari na?

Parang ibon na isinadyang lumipad
Timo mo ay pag-ibig laging liliyag
Mandi’y hamog sa gabi ay bababad
Sa mga bulaklak na namumukadkad.

Sa pag-usad natin sa gintong panahon
Laging naisin sa isip ang pag-ahon
Ito ba’y paraan ng langit na malilom
Daang ibinigay sa atin ng Panginoon?

Sa paglayog ba ‘di pwedeng maligaw?
Sa pagsuyo ba ay bawal bumitaw?
Sa pagtanto ba kailangang malinaw?
Sa paggalaw ba kailangang mahinay?

Ninais ba ng tao na siya’y maging tao
O sinadyang palad na hindi matanto?
Kaya ba nating piliin ang pinagmulan
At isulat sa bato ang kahihinatnan?

Masaya kaya ang uod sa pagiging uod?
Ang anay sa pag-tayo ng lupang puntod?
Nalilibang kaya ng uok sa loob ng niyog?
Ito ba ay ninais o sadyang pinagkaloob?

Hindi natin mawari at hindi rin matanto
Mga bagay sa paligid sadyang nakalilito
Sa nangyayaring tadhanang mapaglaro
Umiikot sa buhay sa mundong magulo.

Sunday, April 22, 2007

Lumbay ng Kalikasan

Ang Lupa ay tumatangis sa abang kalagayan
Kanyang pagdurusa ay wala ng paglagyan
Mabiyaya niyang buhay, ngayon ay tigang
Unti-unting nauubos ang natitirang Kalikasan.

Hanging nagbibigay buhay, ngayon ay lason
Sa bagang humihithit, tila basurang naiipon
Ang mga Ilog sa nayon, agos ay tumataghoy
Ang Karagatan ay nagngangalit sa dapithapon.

Maging ang Ulan, delubyo na ang ibinibigay
Animo’y gumaganti sa mga sugat na taglay
Pati mga Puno’y binubunot sa pagkakasughay
Dala ay luha’t pighati sa mararaming buhay.

At ang mga Ibon ay malungkot na ang himig
Ang mga Isda ay tinatamad na sa pagssisid
Ang mga Halaman animo’y lumbay sa pighati
Matumal na ang pagsibol, parang atubili.

Mga Nyebe ay natutunaw sa ibayong Hilaga
Dala ng pag-angat ng pang-mundong kainitan
Tabsing na sumusugwal, pagtaas di mapigilan
Unti-unting nilalamon, tigang nang Kalupaan.

Mga Ulap sa umaga dati’y ligaya ang dala
Ngayon ang dulot ay mapanlasong burak
Dati’y nagtatampisaw sa pagbagsak ng Ulan
Ngayon ay pag-iingat ang paalala sa tanan.

Ultimong mga Bulkan, galit walang pagpunan
Dala ay abong pipinsala sa lahat ng daanan
Kikitil ng buhay, magdududulot ng kahirapan
Hindi papatawarin, lahat ng mga nasa paanan

Ang mga Maya man ay pagod na sa paglipad
Sa paghahanap ng punong lalagyan ng pugad
Ang mga Usa at Unggoy bilang ay pailan-ilan
Ang Haring Agila, ‘di na ligtas pumailanglang.

Ang mga Alon ay nagmamarakulyo na din
Umaalagwang rumaragasa sa mga buhangin
Bitbit ay laksang tubig na aahon sa katihan
At sa paghinahon, ang iwan ay mga bangkay.

Saan kaya aabot ang kanilang paghihinagpis?
Mga sakit nila hanggang kailan kaya matitiis?
May pag-asa pa kayang mawala kanilang inis?
Masusupil pa kaya ang galit na ayaw kumupis?

Tao, damdamin mo, nag-aalimpuyong lumbay
Ng kalikasan sa bawat dako ng kamunduhan
Pinagpala kang bigyan ng sapat na katalinuhan
Ikaw din ang may kakayahang siya’y tulungan.

Hihintayin mo pa ba na tuluyan nang mawala
Ang mga biyayang mula sa palad niyang mutya?
Kung mangyayari ito pakaisiping matuwid muna
Sa kanyang pagpanaw, lahat ng buhay ay dala.

Wednesday, April 18, 2007

Pagsasahayop, Pagdarahop

Ano ba itong nangyayari sa mundo?
Animo’y palubog, palaging magulo
Nasabi pang tayo ay sibilisadong tao
Subali’t umaasta namang parang Aso
Hihimurin pati na sugat ng amo
Basta’t sigurado sa iaabot na buto.

Taong tinuring ngunit parang praning
Nagpapatayan dahil lang sa taginting
Nakakalimot sa itinakdang gawain
Kapag nadulas sa kuwaltang ‘pinain
Sasagpangin pati mga tirang pagkain
Kahit pa palamanan ng lason at vetsin.

Marapat bang umupo kahit na nangdaya?
Marapat bang mamumo ang isang Linta?
At sundin naman ng mga Aso at Tuta,
Samahan pa ng mga manhid na Buwaya.
Kasama pa ang Baboy duon sa tumana
Kahit mataba na ay 'di puwedeng ibenta.

May panahon pa kaya upang maampat
Ang dumadaloy na dugo sa ating sugat?
May gamot pa kayang pipigil sa sakit
Ng lipunang sakdal sa lakas ng pagimpit
Ng luhang tumutulo sa lupang matinik
Sa pagtaghoy ay lalong nagngingitngit?

Pati ba himig ng Kalaw ay bubusalan
Dahil sa mga huning ayaw pakinggan?
Mga Laywan man ay may paglalagyan
Pag ‘di tumigil sa pagkisot sa tadyang
Ng mga usaping laging pilit inililigaw
Ayaw pagusapan, baka mabistong tunay.

Pati mga Hantik ay bawal mag-usap
Ang bumulong, sakdal sa kulungan
Silang nagpulong ay agad binansagan
Na mga kasapi ng rebolusyong bayan
Silang mga tumangis sa mga kagaguhan
Sila ngayong nagdurusa sa bilangguan.

Sa pahuni ng Kabag, dilim ay kakalat
Babalot sa bayang mga utak ay bisaklat
Sa mga nangyayari sa palakad ng Linta
Sugat na sangdekwa ayaw na ipagpala
Upang ang dugo ay patuloy sa pagtulo
Na siya niyang ihahain sa mga salo-salo.

Tuesday, April 10, 2007

The Gathering at the Woods

Now the Feast has ended and each brother traced back his trail
To each Kingdom and domain where their subjects wait with frill,
To keep the fire flaming among the brothers who gave utmost care
Son of Neocles left with an invitation to the band from the middle.

That on the evening of when the Savior has stumbled and suffered
On a slope of a rugged mountain where the heavens have showered
The firm earth with rolling grass and spiny trees that towered,
Amidst the clouds resting upon the crown of a silent eerie wonder.

As the night clouds turned dark and the warm winds turned to cold
Three knights from South came altogether, tired, yet ready to unfold
Waiting for them was Themistocles, renowned Lord of the Manobos
Who led them to the Castle shared by the Princess of Facial Woes.

As the three knights settled, host prepared a hearty evening meal
Everything was set right to the last piece, except for the thin bread
So toasted like a softwood left burning so it turned into a black coal
Yet everyone just gave it a wild smile, too small to be taken afoul.

The last of the waited knight soon came from the realm of mountains
He had traveled far where the summer met the showering fountains
Tired, yet his spirits was shouting with the sights of brothers waiting
Sleepy, yet he stayed fully awake until the sun broke into its shining.

The silent night was filled with each other’s breath, tale and laughter
Spirits of the frothy beer helped them loosen up their mind and fear
Bringing a discussion so wild, vivid, that not everyone can muster
Yet the words flowed like rivers towards the open ocean unfiltered.

Personal views from Heaven and Earth were shared and debated
Including those of God, the heathens, agnostics and the people hated
Even politics and the famed and the fools that will shape the Royalty
All is different, yet all souls agreed to only focus on commonalities.

As everyone retired and their bloated body gave to peaceful recall
Floating in tranquility, their minds trekked the paths away from Sheol
Believing in themselves that real brothers must at first be real people
Can walk unashamed. With no fear! Can conquer! Yet forever mindful!