Sunday, April 22, 2007

Lumbay ng Kalikasan

Ang Lupa ay tumatangis sa abang kalagayan
Kanyang pagdurusa ay wala ng paglagyan
Mabiyaya niyang buhay, ngayon ay tigang
Unti-unting nauubos ang natitirang Kalikasan.

Hanging nagbibigay buhay, ngayon ay lason
Sa bagang humihithit, tila basurang naiipon
Ang mga Ilog sa nayon, agos ay tumataghoy
Ang Karagatan ay nagngangalit sa dapithapon.

Maging ang Ulan, delubyo na ang ibinibigay
Animo’y gumaganti sa mga sugat na taglay
Pati mga Puno’y binubunot sa pagkakasughay
Dala ay luha’t pighati sa mararaming buhay.

At ang mga Ibon ay malungkot na ang himig
Ang mga Isda ay tinatamad na sa pagssisid
Ang mga Halaman animo’y lumbay sa pighati
Matumal na ang pagsibol, parang atubili.

Mga Nyebe ay natutunaw sa ibayong Hilaga
Dala ng pag-angat ng pang-mundong kainitan
Tabsing na sumusugwal, pagtaas di mapigilan
Unti-unting nilalamon, tigang nang Kalupaan.

Mga Ulap sa umaga dati’y ligaya ang dala
Ngayon ang dulot ay mapanlasong burak
Dati’y nagtatampisaw sa pagbagsak ng Ulan
Ngayon ay pag-iingat ang paalala sa tanan.

Ultimong mga Bulkan, galit walang pagpunan
Dala ay abong pipinsala sa lahat ng daanan
Kikitil ng buhay, magdududulot ng kahirapan
Hindi papatawarin, lahat ng mga nasa paanan

Ang mga Maya man ay pagod na sa paglipad
Sa paghahanap ng punong lalagyan ng pugad
Ang mga Usa at Unggoy bilang ay pailan-ilan
Ang Haring Agila, ‘di na ligtas pumailanglang.

Ang mga Alon ay nagmamarakulyo na din
Umaalagwang rumaragasa sa mga buhangin
Bitbit ay laksang tubig na aahon sa katihan
At sa paghinahon, ang iwan ay mga bangkay.

Saan kaya aabot ang kanilang paghihinagpis?
Mga sakit nila hanggang kailan kaya matitiis?
May pag-asa pa kayang mawala kanilang inis?
Masusupil pa kaya ang galit na ayaw kumupis?

Tao, damdamin mo, nag-aalimpuyong lumbay
Ng kalikasan sa bawat dako ng kamunduhan
Pinagpala kang bigyan ng sapat na katalinuhan
Ikaw din ang may kakayahang siya’y tulungan.

Hihintayin mo pa ba na tuluyan nang mawala
Ang mga biyayang mula sa palad niyang mutya?
Kung mangyayari ito pakaisiping matuwid muna
Sa kanyang pagpanaw, lahat ng buhay ay dala.

No comments: