Wednesday, June 11, 2008

Paglipad, Pagbulusok, Pagsubok….

Sa paghilom ng liwanag ng haring araw
Siya ding paglaya ng kalapating luhaan
Suot ang singsing na pagkakakilanlan
Ng mga kaibigan sa kalyeng daraanan.

Malamlam ang matang pilit inimumulat
Pagal ang pakpak na pilit ipinapagaspas
Balahibong lagas na mumunting hinimas
Nananakit na leeg, nanunuklap ang balat.

Nanunumbalik ang kagyat nyang kahapon
Kung saan ang lipad di matapos maghapon
Sa dami ng kaulayaw, hindi na makahapon
Kaliwa’t kanang tuka, madami ding naipon

Noo’y nagkalat matitikas n’yang taga-hanga
Taas-noo sa paglipad, sa kanyang paggala
Halos hindi masukat, iniaalay ng balana
Sa kanyang pag-awit, marami ang natulala.

Subalit sadyang ang tadhana ay malupit
Sa kalakasan, karamdaman ay sumapit
Sa isang iglap, lahat ng ipon ay nawaglit
Nawala nang lahat maging mga panambit.

At sa paghapay ng pagod nang mga bagwis
Namahinga sa sanga ng kahoy sa libis
Malalim ang hininga, tagakgak ang pawis
At ang kanyang huni animo’y nananangis.

Pagod may kailangang nyang ipagpatuloy
Paglayag sa dilim at patuloy na paglaboy
Ito ang paraan at pag-asa nyang makatukoy
Pagkaing ilalaan sa mga inakay na kulutoy.

Mga inakay na ‘di na matuntun ang mga ama
Sa dami ng kaulayaw na noo’y nagpasasa
Matapos magpunla ay bigla ding nangawala
At iniwan syang nag-iisa sa mga pagdurusa.

Sumpa mang masakit ang mga pangyayari
Dagli niyang nilimot dahil sa pagkakawari
Na may masisilang maliit na hayop sa tabi
Sabay sibad pababa at ito’y kanyang nahuli


Kapirasong bubwit ngayo’y tangay-tangay
Pabalik sa kapirasong pugad ng mga inakay
Malayo pa’y dinig na mga siyap na maingay
Sadyang gutom na sa mahabang paghihintay.

Sa pagtuka ng inakay, maligayang humuni
Ng pasasalamat sa kalikasang itinatangi
Sa gitna ng hirap, may pagpapalang lagi
Kailangan lang lumaban sa mga pagka-api.

Thursday, May 29, 2008

Lason

Kaulayaw na saya nagpunla ng apdo
Apdong nagsuhay ng tinik sa puso
Nag-ugat ng punyal, sumipsip ng dugo
Nagdahon ng galit, sa init nag-aaso.

Nanunuot na lason, balatkayong sadya
Ligaya at wili sa unang sultada ang dala
Hindi mawari, nakakabulag ng mata
Kumakalat unti-unti ng hindi nadarama.

Nadarang man nguni’t hindi alintana
Napapasong laman, sakit binalewala
Naiibsan ng luho, ng huwad na laya
Lulong sa layaw at pagpapakasasa.

Binhi ng lintik, lumalagong maayos
Dugong ninanais patuloy sa pag-agos
Mula sa mga ugat ng lilong nalalaos
Habang patuloy sa pagkakabusabos.

Bulaklak na bala, ngayon ay hitik na
Napalis ng hangin, nagkalat sa misla
Napansin ng lilo, pinulot, inusisa
Sabay nginuya ang pulbura at tingga.

Hindi na malirip, naglaho na ang takot
Tuluyang tinanggap ang pagiging salot
Lumabas ang sungay, pati na ang buntot
Sabay halakhak ng nakapangingilabot.

Lasong yumabong, kinain na ang utak
Ng lilong demonyong mata ay pisak
Dating binhi, siya ngayong wawasak
Sa lahat ng pangarap, sa lahat ng balak.