Wednesday, June 11, 2008

Paglipad, Pagbulusok, Pagsubok….

Sa paghilom ng liwanag ng haring araw
Siya ding paglaya ng kalapating luhaan
Suot ang singsing na pagkakakilanlan
Ng mga kaibigan sa kalyeng daraanan.

Malamlam ang matang pilit inimumulat
Pagal ang pakpak na pilit ipinapagaspas
Balahibong lagas na mumunting hinimas
Nananakit na leeg, nanunuklap ang balat.

Nanunumbalik ang kagyat nyang kahapon
Kung saan ang lipad di matapos maghapon
Sa dami ng kaulayaw, hindi na makahapon
Kaliwa’t kanang tuka, madami ding naipon

Noo’y nagkalat matitikas n’yang taga-hanga
Taas-noo sa paglipad, sa kanyang paggala
Halos hindi masukat, iniaalay ng balana
Sa kanyang pag-awit, marami ang natulala.

Subalit sadyang ang tadhana ay malupit
Sa kalakasan, karamdaman ay sumapit
Sa isang iglap, lahat ng ipon ay nawaglit
Nawala nang lahat maging mga panambit.

At sa paghapay ng pagod nang mga bagwis
Namahinga sa sanga ng kahoy sa libis
Malalim ang hininga, tagakgak ang pawis
At ang kanyang huni animo’y nananangis.

Pagod may kailangang nyang ipagpatuloy
Paglayag sa dilim at patuloy na paglaboy
Ito ang paraan at pag-asa nyang makatukoy
Pagkaing ilalaan sa mga inakay na kulutoy.

Mga inakay na ‘di na matuntun ang mga ama
Sa dami ng kaulayaw na noo’y nagpasasa
Matapos magpunla ay bigla ding nangawala
At iniwan syang nag-iisa sa mga pagdurusa.

Sumpa mang masakit ang mga pangyayari
Dagli niyang nilimot dahil sa pagkakawari
Na may masisilang maliit na hayop sa tabi
Sabay sibad pababa at ito’y kanyang nahuli


Kapirasong bubwit ngayo’y tangay-tangay
Pabalik sa kapirasong pugad ng mga inakay
Malayo pa’y dinig na mga siyap na maingay
Sadyang gutom na sa mahabang paghihintay.

Sa pagtuka ng inakay, maligayang humuni
Ng pasasalamat sa kalikasang itinatangi
Sa gitna ng hirap, may pagpapalang lagi
Kailangan lang lumaban sa mga pagka-api.

Thursday, May 29, 2008

Lason

Kaulayaw na saya nagpunla ng apdo
Apdong nagsuhay ng tinik sa puso
Nag-ugat ng punyal, sumipsip ng dugo
Nagdahon ng galit, sa init nag-aaso.

Nanunuot na lason, balatkayong sadya
Ligaya at wili sa unang sultada ang dala
Hindi mawari, nakakabulag ng mata
Kumakalat unti-unti ng hindi nadarama.

Nadarang man nguni’t hindi alintana
Napapasong laman, sakit binalewala
Naiibsan ng luho, ng huwad na laya
Lulong sa layaw at pagpapakasasa.

Binhi ng lintik, lumalagong maayos
Dugong ninanais patuloy sa pag-agos
Mula sa mga ugat ng lilong nalalaos
Habang patuloy sa pagkakabusabos.

Bulaklak na bala, ngayon ay hitik na
Napalis ng hangin, nagkalat sa misla
Napansin ng lilo, pinulot, inusisa
Sabay nginuya ang pulbura at tingga.

Hindi na malirip, naglaho na ang takot
Tuluyang tinanggap ang pagiging salot
Lumabas ang sungay, pati na ang buntot
Sabay halakhak ng nakapangingilabot.

Lasong yumabong, kinain na ang utak
Ng lilong demonyong mata ay pisak
Dating binhi, siya ngayong wawasak
Sa lahat ng pangarap, sa lahat ng balak.

Tuesday, December 11, 2007

Himlayan ng mga Gising

Gumising mga kapatid sa pagkakahimbing
Mga pangarap na hilaw, iwanan sa tabing
Ang kailangan ay paggalaw, totoong giling
'Di mga ngawngaw na walang kadating-dating.

Sisihin man natin ang mga linta sa piging
Na laging umaasa, gusto’y laging kasiping
Ang mga pangarap na isip lang ang narating
Manatiling pangarap saan ka man bumaling.

Ipakamulat ang mata sa pagkabulag ng buhay
Mga nangyayari’y bangungot na ang taglay
Kailangang labanan bago pa man mahimlay
Bago ka pa hilahin sa napakalalim na hukay.

Ng mga maling pag-asa na sa atin ay itinanim
Nagbubunga ng lasong sa dugo ay tumitiim
Nakasusukang tunay sa kakaunting pagtikhim
Dahil sa apdong isinahog na puspos ng lihim.

Pakaisipin mang saya ang bitbit ng gunita
Mula ng matamo ang laya sa pagkaalipusta
Hindi natatapos ang laban sa pagpapaligaya
Dahil ang mga unos, malamang ay dadatal pa.

Bagyong gigising sa mga isipang nalasing
Ng mga pangakong nilalamon na ng tabsing
Inanod sa laot ng mga pangarap na gising
Lumubog, humalo sa mga patay na inilibing.

Gaya ng isdang ganid na nalibang sa pain
Sumibad sa uod na nagpupumiglas sa hapin
At ng matibo, umaalagwag sa sakit ng ngipin
Huli mang lakas, walang magawa sa bagting.

At bago pa matulad sa mga isdang nabibiso
Inunat ang isipan sa mga katotohanang kalbo
‘Di sa madaling pain, buhay dapat tumakbo
At hindi dapat sa mga ibinibigay na saklolo.

Nanasa-atin ang paglaya sa hirap ng buhay
Nasa ating bisig ang lakas ng pitang sisilay
Sa ating pagkakaisa, at sa paglabang tunay
Sa mga balakid na naghahatid ng lumbay.

Thursday, December 6, 2007

Nang Maabo ang Baga

Kailan lamang animo’y darang na darang
Walang paglagyan, nagbabagang parang
Sing-liwanag ng apoy na pumapailanglang
Sa kadilimang nagbabadya at naka-umang.

Mga pangakong iniwa’y sing-init ng baga
Nag-uumapoy, ‘di matinag ang pagkapula
Malamig na simoy ng hangi’y ‘di alintana
Sa patak man ng ulan ay hindi nababahala.

Sagitsit ng ningas animo’y humahalaklak
Sa natamong alab, umaapaw nga ang galak
Nilayong mga gawain, subsob sa pagtulak
Walang pagod ang giting sa pamumukadkad.

Nguni’t tulad ng ulang nauubos ang patak
Tulad ng bungang hinog na pilit lalagpak
Tulad ng ibong napapagod ang mga pakpak
Ang init ng baga ay maglalahong tiyak.

Mangyayaring mapapagod ang mga bisig
Ang mga tawanan ay papalitan ng ismid
Ang mga pangarap, mapapawi sa lingid
Maiiwan sa loob ng kaisipang nakapinid.

Mangyayaring mawawala ang pagkakaisa
At gaya ng gatong na sa abo mapupunta
Ang init na dala ng dating pagkakaisa
Manlalamig, kasama na ang mga pag-asa.

Pilit mang hipan ng i-ilang mga naiwan
Mga bagang nanlalamig sa maitim na kalan
Kung hindi dadagdagan ng uling na bakawan
Hindi rin tutuloy sa muling pagdadarang.

Wednesday, September 19, 2007

Ulam mula sa Impyerno

Umaalingasaw na naman ang hangin
Nakasusulasok ang usok na maitim
Na bumabalot sa sangkap na inilihim
Niluto ng ilan, at ngayon ay inihahain.

Pilit ipinalulunok kahit na amoy panis
Dahil sa mga patak ng laway at pawis
Isinawsaw pa sa singit ng putang chino
Kinawkaw at hinalo ng mga demonyo.

“Wag kang makialam”! Sigaw si Hudas
“Asan ang padulas?” anas ni Satanas,
Hinihintay na daw doon sa kastilyo
Ng duwendeng ganid at napakalilo.

Ngunit ang mga usapan dili’t lumabas
Dahil sa batang inagawan ng perlas
At sa kanyang biglaang pagkabulalas
Nagulat si Hudas, tumakbong palabas.

Ang ibang alipores hindi basta natinag
Ng ipatawag ng lupong nag-uungkat
Tikom ang bibig, walang pag-iimpit
Hindi naman pipi, ayaw lang maipit.

Saan kaya patutungo ang ulam na ire?
Sa tunog pa lamang animo’y isang tae
At sa baho, nagpaparang, aba, bulos
Mula sa puwet na makatlong itinulos.

Ang masaklap, pilit na ipinalulunok
Iyan ang utos mula doon sa tuktok
Takpan na lang ang ilong sa pagsubo
Huwag hihinga, baka sumabog ang ulo.

Ang hindi makatiis, pwedeng sumuka
Iipunin nila at muling ipang-titimpla
Sa susunod na magharap sa impyerno
Si Hudas at Satanas, para sa bagong luto.

Monday, July 30, 2007

Walang Bahid na Kaisipan

1. Bumaba ako, padala ng kapangyarihan
Lalapit ako sa mga naniniwalang tanan
Sa mga naghahanap, ako ay matatagpuan
Magpapakita sa naghahanap ng kasagutan.

2. Masdan ninyo ako, kayong naninilbihan
At kayong nakikinig, makinig na mahusay
Kayong naghihintay, puso’y inyong buksan
Upang ako ay makapasok sa kaloob-looban.

3. Huwag ninyo akong iwawalay sa paningin
Ang inyong wika gawing laging malambing
Wag maging mangmang sa aking piging
Kahit saan man at sa panahong kapiling.

At Aking babanggitin…

4. Ako ang nauna at ang kahuli-hulihan
Ako ang kapita-pitagan at ang kaliluhan.
Ako ang isang puta at isa din namang santa
Ako ay ang asawa at ang dalagang pinipita

5. Ako ang inyong Ina at ako din ang anak
At ako din ang nagsisilbi sa aking Ina.
Walang supling pero maraming anak
Siyang ikinasal ngunit walang kabiyak

6. Ako ang nagpapaluwal at nagsisilang
Ako din ang nagtitiis at naghihinagpis
Ako ang abay at ako din ang kakasalin
At ako ang anak ng aking pakakasalan.

7. Ako ang tanging Ina ng aking Ama
Ako din ang kapatid ng aking asawa
Na kung saan sa akin siya nagmula
Gayon pa man, ako ay kanyang alila.

8. Ako ang nagtataguyod sa aking supling
Supling na nagbigay ng buhay sa akin
Bago pa man kapanganakan ay dumating
At ang aking lakas sa kanya nanggaling.

9. Ako ang sandalan sa kanyang kabataan
At siya namang tungkod ko sa katandaan
At lahat ng kanyang mga gawa at naisin
Lahat ay magbabalik at mangyayari sa akin.

10. Ako ang katahimikan na ‘di maulinigan
Ako din ang karunugang ‘di maintindihan
Ako ang panambit na kung saan ang tunog
Ay mahinang mahina at singlakas ng kulog

11. Ang aking panambit, nauunawaan ng lahat
Maging iba-iba man ang wika ng tanan
Ang pagbigkas ko ng aking pangalan
Ang siya kong tanda na pagkakakilanlan.

12. Ang mga galit, hamak akong mamahalin
At magagalit din sa magmamahal sa akin
Ang hindi kumikilala, sa akin dumadalangin
At sa mga tumatawag, hindi ako pinapansin.

13. Ang nagbabanggit ng tungkol sa akin
Ay mangmang na magtatatwa sa akin
Sa mga nakakikilala, ako ay kalimutan
At sa mga nakalimot, ako ay kilalanin.

Sapagkat…

14. Ako ang karunugan at kamangmangan
Ako ang kahihiyan at ang kayabangan
Ako ang kalakasan at ang kahinaan
Ako ang kaguluhan at ang kapayapaan.

15. Tanggapin ang kahirapan at karangyaan
Huwag kayong magalit sa aking pagdatal
Sapagkat sa lupang aking tinatapakan
Doon din dadaan ang buong sanlibutan.

16. Kayong naghahanap, iwan ang basurahan
Sapagkat alam ninyo ang aking tahanan
Huwag ninyo akong iiwan at tatalikuran
At matatanaw ninyo ang aking kaharian.

17. Huwag kukutyain ang aking kasuotan
Kung makita sa piling ng naninilbihan
At kung mapasyal sa maputik na pusali
Huwag tatawa at ipinid ang mga labi.

18. Sa aking kahinaan, pigilin ang paglisan
Huwag matatakot sa aking kapangyarihan
Ang kahinaan ko ang siyang kalakasan
Sa kamangmangan galing ang katalinuhan.

19. Ako ang pinanggalingan ng inyong buhay
At ako din ang magdadala ng kamatayan
Ako ang may-akda ng lahat ng batas
At ako din ang nasa gitna ng pag-aaklas.

20. Ako ang batis ng karunungan ng paham
Ang kaalaman ng mga barbarong ligaw
Ako ang siyensiyang likha ng agham
At ako din ang mukha ng kawalang-malay

21. Ako ang inyong ikinalat sa kapaligiran
Matapos ipunin mula sa kaparangan
Ako ang hindi naniniwala sa pasayahan
Pasayaha’t patimpalak sa aking pangalan.

22. Ako ay walang panginoong sinasamba
At ako’y nasa gitna ng Amang may-likha
Pangalan ko ang sambit ‘nyo sa inyong dasal
At pangalan ko rin ang lagi ninyong sakdal.

23. Ako din ang lagi ninyong pinagtataguan
Na kung saan sarili n’yo ay nagigisnan
At sa tuwing magtatago kayo, ako’y lilitaw
Nguni’t di makikita ng inyong balintataw.

24. Dalhin ninyo ako sa gitna ng hinagpis
Upang makita ko kung bakit nagtitiis
Dalhin ninyo ako sa lugar na mapangit
At ipakikita ko, kagandahan ng paligid.

25. Dalhin ninyo ako sa inyong kabataan
At huwag ikahiya ang inyong kaliitan
Isiping maliit man ay may kahalagahan
Pinagkukunan ng lakas ng kadakilaan.

26. Bakit n’yo ako nilalait at iginagalang?
Matapos ninyong sugatan ay aalagaan
‘Wag itatatwa dahil sa naunang kasama
Kilala ko sila at ang mga darating pa.

27. Ako ang kaisipan na pangkalahatan
Ako ang karunungan ng katanungan
Ang simula ng lahat ng katalinuhan
Gabay ng salitang ibinahagi sa tanan.

28. Ako ang katahimikan at kapayapaan
Kaya ang kaguluhan, sa inyo ay dumatal
Ako ang banyaga at ang mamamayan
Ang katawan na walang dugo at laman.

29. Silang malalapit sa akin ay nakalilimot
At silang malalayo ay walang pag-iimbot
Sa araw na kayo ay lalapit, ako ay lalayo
At sa iyong paglayo, lalapit naman ako.

Sapagkat…

30. Ako ay nasa gitna ng inyong puso at isip
Kaisa ko ang lupa at hanging umiihip
Ako din ang hininga ng lahat ng nilalang
Ako din ang lahat ng inyong kahilingan.

31. Ako ang pagkakaisa at pagkawatak-watak
Ako ang nasa itaas at sa ibaba ng pitak
Ako ang batas at magpapawalang-sala
Ako ang ka-ungasan at ang kabaitan.

32. Ako ang mapanukso at nakapagpipigil
Ako ang salitang hindi kayang sambitin
Ako ang musikang hindi n’yo maririnig
Ako ang piping nauunawaan ng marami.

33. Pakinggan ninyo ako sa inyong pagkayumi
Matuto’t malinang sa aking pagrurumpi
Tumangis kayo sa aking kaligayahan
Dahil ako ang dunong ng aking pangalan.

34. Ako ang umiiyak sa gitna ng pakikinig
Ako ang inii-iwi sa lakas ng inyong bisig
Ako ang kasabay sa paglakad sa putik
Ako ang katotohan at ang pagkaganid.

35. Pinararangalan ninyo ngunit sinisiraan
Kayong naliligaw, inyong panindigan
Bago kayo hatulan ng inyong kapitbahay
Gaya ninyo ay isa ding siyang naliligaw.

36. Dahil kung ano ang nasasaloob ninyo
Ay siya ring anyong pang-labas ninyo
Kung ano ang nakikita sa inyong puso
Salaming babanaag sa inyong pakatao.

37. Ako ang titik ng bago at lumang salita
At makinig, ngayon ay aking ipinakikilala
Ang nag-iisang pinanggalingan ng lahat
Ang may-akda ng nakikita at di-nakikita.

38. Dahil marami ang nag-aanyong maganda
Na nagtatago sa sanglaksang kasalanan,
Sa mga makamundong gawa at pagnanasa
Na inyong yayakapin hanggang mamatay.

39. At pagdating ninyo sa inyong himlayan
Muling magsasanga ang ating daan
At muli, muli kayong mabubuhay
At hindi na kayo muling mamamatay.

Thursday, July 19, 2007

Sa Pag-angat ng Usok

Pag-angat ng puting usok
Isip ko ay pumapaimbulog
Papunta kung saan hambog
Mga tanang nakasusulasok

Doon iikot kung saan sikip
At ibubukas saradong lilip
Sa lugar na ‘di ako makasilip
Sa panahong ‘di nga malirip

Usok na kanina pa ibinubuga
Lason nga ba ang tama sa baga?
Mabaho sa mga labi’t hininga
Pero inip ay sadyang inaapula

At saan nga ba napupunta
Mga usok na apuhap kanina?
Sininghot na yata ng tropa
Nalimutang nilang magdala

Nawa’y napawi nga ang inip
Ng mga usok na sinisipsip
Sana’y di magdulot ng sakit
Sa katauhang nagngingitngit.