Thursday, March 29, 2007

Alay sa Iyo... Jun Ducat

Walang gatol ang matibay mong paninindigan
Walang bahid ng takot ang isip na sandigan
Ng mga pangarap mong makatulong sa bayan
Maging marahas man ang iyong kaparaanan.

Hawak ang prutas na buto’y kikitil ng buhay
Sa baywang ay suksok ang bakal ni kamatayan
Sa gitna ng mga paslit na akala’y mamamasyal
Paglakbay na natigil sa harap ng bayani ng bayan.

Hinagap na baliw ngunit marami ang ‘di nagparatang
Sa pangalan mong matagal ng lulubog at lulutang
Sa patuloy mong layuning bigyan ng kaligayahan
Mga dukhang kulang ang lakas sa pakikipaglaban.

Sa hirap ng buhay na kanilang kinasasadlakan
Hinagap bigyan ng edukasyon ang mga kabataan
Kahit pasumandali na sa palagay mo ay pupukaw
Mga munting pangarap na maituloy habang-buhay.

Hindi mo kinayang lugdan ang kanilang kalagayan
Kaya’t minabuti mong dugsungan ang kanilang buhay
Buhay mo man ang malagay sa impyernong kulungan
Sakripisyong sinuong para sa kanilang kinabukasan.

Naluha ang ilan subalit mas marami ang tumapang
Naiintindihan nila ang ‘yong marahas na pamamaraan
Batid nila na hindi mo kayang lubos na masaktan
Mga batang hinubog sa ‘yong mga bakbak na kamay.

Dumating sa iyong piging mga abyador ng bayan
Pinalambot mo ang puso ng ilang may kakayanan
Na sagutin ang ilan sa iyong mga hiling at kagustuhan
At tumupad ka naman sa binitawang salita at usapan.

Bayani ka bang maituturing ng Parola at Bayan?
Dapat ka bang gayahin ng marami nating kababayan?
Ilan pa kayang Pilipino ang kayang manindigan?
Kagaya mong lalaban para sa magiting na kadahilanan.

No comments: