Aking Kapatid, bakit ka umiiyak?
Dahil ba sa kumakalam mong tiyan?
Gaya ng milyon nating kababayan
Umaasa na lamang sa kalangitan.
Inay, Asan na ang ‘yong mga anak?
Bakit kailangan ka nilang iwanan?
Dahil ba sa mga gumuguhong pangarap
Dahil ba sa ‘yong mga kasinungalingan.
Sabi mo, dadalhin mo kami sa ginhawa
Sabi mo, pagdarahop ay matatapos na
Lahat ba ng sigaw namin sa lansangan
Ay nawalan na ng tunog, wala ng bisa?
Inay, Magulo ngayon ang ating bayan
Di na mawari kung saan tamang daan
Naiwan na tayo ng mga kapit-bahay
Dahil sa mga programang laging sablay.
Inay, magbago ka na ng ‘yong sistema
Ang taong bayan ay talagang pagod na
Si “Garci” na lang ang tanging nakatawa
At ang mga aso sa paligid ng ‘yong saya.
Nasaan na ang isang milyong trabaho?
Nasaan na ang matibay na ekonomiya?
Walongpung piso na ang kilo ng galungong
Dahil sa iyong mga pang-gugunggong.
Mga kapatid, huwag kayong mag-alala,
Lilipas din ang ating mga problema
Darating din ang takda, si Inay ay bababa
Dahil ‘di niya lahat Tayo makakaya.
Magbigkis-lakas, araw ay sisikat pa
Magsama-sama, meron pang mapapala
Huwag makinig sa mga bulok na pangako!
Huwag umasa sa pandak na pag-suyo!
Saturday, March 24, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
what can i say about this poem when you very well know that I belong to the cabinet of GMA?
Do not get me started or I will rattle off statistics to drive my point... hahaha ... well at the end of the day, we just want the best for our country.. and i respect your point of view. it is a good poem though
Post a Comment