Tuesday, May 22, 2007

Cryptogram

(This poem was sent to me by a fraternity buddy
Tim Capellan. Following are his original message...

I will not be available to attend the birthday
party of my Frat buddy Jepoy Presas on the 20th
for I will be out of town. Frienship indeed fuels
creativity and passion. I wish that the core message
of this poem gazes his heart and keeps the link of
Batch '86 strong as we pursue our life's mission
Happy Birthday Jepoy! TIMMY)

When x and y resist to be solved
And Pythagoras' wisdom is hidden
In the cold vault
Your soul opens up an oasis
Where numerical impositions
Are archaic; crystallized by pounding

The heart

For no formula is revealed
Solving the puzzle is never an agenda
And the haze is a mirage;
Where the unseen luster access your being,
As you try to measure the depth
Of your destination

Peer not the symbols
Bet on what is not obvious
For even the fiercest Greek warrior
Curtsies not on reverence - trust

A comrade

For we both built not a trojan Horse
But a majestic clipper
That explores, solves, and conquers
Life's ambiguities.

Sunday, May 20, 2007

Awit para kay Elysse Joy

Pakatibayan ang loob o Aking Bunso
Dalang karamdaman, pilit labanan mo
Huwag padadala at huwag pakalulugso
Darating din ang lunas sa mga sakit mo.

Luha’y pakapawiin sa tatamang aspile
Iyak pakapigilin sa gamot na malaasoge
Yayaon din mga hirap na hindi malimi
Sisikat din ang araw paglipas ng gabi.

Pakahintayin lamang tamang panahon
Na ang iyong Ama ay makapag-ipon
Ng tamang halaga para sa operasyon
Pasasaan ba’t sa balakid ay makaaahon.

Mumunting kamay, lagi naming akay
Hindi ka iiwan, palagi kang isa-sabay
Sa iyong paghakbang kami’y gagabay
Sa iyong paglaban kami’y nakaalalay.

Pakaisipin lagi sa iyong murang isipan
Pag-aaruga nami’y hindi mababawasan
Pag-galing mo ay pilit naming ilalaban
Maging daan man ito sa ating kahirapan.

Ang iyong mga ngiti, dala ay liwanag
Sa maunos na yugto ng iyong buhay
Tila ba’t dag-im sa langit ay ‘di banaag
‘Wag lang iingit ng panaghoy na bahaw.

Kumapit ka aking bunso, ‘wag bibitaw
Iduduyan kita sa himig ng kundiman
At sa pagpikit ng bilugang balintataw
Baunin mo’y lakas na walang pagpanaw.

Kabalintunaan

Bakit sa pagmamahal kailangang handa
Ang iyong damdamin sa mga pagbata
Sa mga pasakit na maaring n’yang dala
At sa mga luhang dadaloy sa iyong mata?

Bakit sa pag-unlad kapalit ang pagkasira
Ng kalikasan na sa atin ay nagmumutya
Nagbibigay-buhay, sa atin ay nagpapala
Ipinaaaruga ng mahiwagang May-Akda?

Sa kagustuhang maglingkod bakit naninira
Ang mga tumatakbong hunghang at para
Batas ay iniikitan makaungos lang ng dala
Tanan ay nililinlang sa ngalan ng bayan?

Bakit sa pagsimba ng kabataan sa ngayon
Pustura’y nauuna bago pa ang Panginoon
Panay ang pintas sa iba pang nangaroroon
At pag-uwi sa bahay para pa ding maton?

At sa pilit pagkita bakit anak ay iniiwan
Ipagpapalit ang oras sa loob ng pagawaan
Ipaiiwi na lamang sa mga yayang bayaran
Pagdatal sa bahay, pansinin ma’y kulang?

Kailangan bang may kapalit lahat ng nais?
Mga kapalit na maghahatid ng pagtangis
Sa mga darating na bunga, parang aldabis
Mandi’y unday ng yantok, sakit ‘di mapalis.

Pansamantalang Paglaya ni Patty

Kami’y nagulat mo sa iyong pagsulpot
Halos ‘di mahinuha ng utak na aligutgot
Kung paanong parang langit na bumalot
Iyong pag-unlak sa kaunting pagngalot.

Pustura mong dati dili’t walang nabago
Ikaw pa rin si Patty, noon sa kolehiyo
Tipid ang mga ngiti, wala pa ring bisyo
Maayos kung manamit parang bagong-tao.

Kumusta ka naman sa iyong kinasadlakan?
Isa lamang iyan sa aming mga katanungan
Paano ba ang buhay ng sadlak sa piitan?
Masakit ba sa paa, mga tanikalang bakal?

Salamat sa pagdalaw sa dadalawang-araw
Na paglaya mo kahit batid na balawbaw
Mga nais mong gawin sa bilang na araw
Bago pa dumating, bantay na may balaraw.

Nakangingiti ka kahit buhay ay ma-agdon
Pansin mang maagas-as at paaguy-agoy
Pilit itinatatwa mga paghihirap na baon
Ayaw ipakitang buhay mo’y paalon-alon.

Alagata mong tanawin buhay ng malaya
Subalit datapwa’t mahirap itong mapala
Dahil ang piitan mo kahit walang aldaba
‘Di makalalayo ng walang latay ang mata.

Baunin mo nawa mga masasayang biruan
‘Wag kalilimutan, mga kapatid sa samahan
Isaisip mong laging handa kang damayan
Sa lahat ng panahon, anumang kadahupan.

Friday, May 11, 2007

Ang Nasa Ni Bunso

Mata’y nakatanghod, malayo ang sipat
Utak na namamasyal, laging nalilingat
Sa mga bumibili sa tindahang makalat
Kokonti ang laman, kanina’t kinulimbat.

Puso’y masikip, sama ng loob ay kipkip
Nais tumakas sa mundong sumisikip
Tanang buhay nya’y lungkot ang bitbit
Mga karanasa’y lagi na lang sumasabit.

Hinangad niyang mag-aral, dili’t nabitin
Dala ng kakapusan, pinili ang pagpigil
Sa pagtugis sa pangarap na napakasutil
Isama pa ang inay na laging nakaangil.

Sa paghabol sa ligaya, biglang nagpasya
Na iwan ang pamilyang dati’y nag-aaruga
Ninais mangibang-bayan kahit may duda
Basta’t makalayo sa lumbay na nadarama.

Isusugal ang buhay sa Gitnang Silangan
Kung saan, maraming pangarap ang tangan
Makalayo, makasibat, takasan ang buhay,
Buhay n’ya ngayong, luha’y ‘di napaparam.

Pagtakas nga kaya ang iisang kadahilahan
O meron pang ibang gumugulo sa isapan?
Ang pag-alis kaya ay isa namang pagdatal
Bagong yugto’t ligaya ng kanyang buhay?

Pag-irog ba ang humihila, kaya ‘di makali?
Pagnanasang makasama, isang kaibigan dati.
Pumukaw sa kanyang lihim na pagkandili
Pag-ibig nga kaya at wala nang ibang dili?

Yaon, Bunso, sundin ang tulak ng damdamin
Huwag isipin sasabihin ng mga matatabil
Ipahayag ang pagliyag sa malayong sulok
Doon na walang kukutya, walang susubok.

Tuesday, May 8, 2007

Hala(nga)lan Sa Aming Bayan

Saan aabot ang pangambang tunay?
Sa nangyayari sa ating kapaligiran
Halalang tugma’y mandi’y naparam
Batuhan ng baho ay isang paligsahan.

Bilang sa daliri, mga may katinuan
Na dalhin ang bayan sa katiwasayan
Nauuna palagi pansariling kapakanan
Kahit na isang-laksa ang matapakan

Gagawin ang lahat ng mga kahibangan
Nariyang mamigay ng mga kaperahan
Saka na babawiin, sa tapos ng halahan
Kapag nakaupo na sa hatol ng bayan.

Pader sa lansangan animo’y pisarang
Salasalabat ang titik ng mga pangalan
Na pilit ikinikintal sa tanang kaisipan
Kahit na pumangit, ating kapaligiran.

Ang mga puno’y nagparang sampayan
Sa dami ng sabit na animo’y basahan
Mukha’t pangalan ng mga hunghang
Tinabunan na ang luntiang kadahunan

Sa tala-pihitan, nagkalat ang mga balita
Sa maraming dako, nangamatay ang iba
Pinatatahimik ng mga partidong kasira
Hinahatulan, masiguro lang ang pasya.

O Taong bayan! Imulat ang mga mata
Huwag ng padala sa pangakong tutsada
Pakapiliin, pakanimiing pitong beses
Gamitin ang isip, wag masilaw sa bienes.

Monday, May 7, 2007

Hala, Inom Jepoy

Pagal mong isipan, batbat ng katanungan
Sagad sa alapaap na duduyan sa katinuan
Lulunurin ng alak upang konting maibsan
Kapoy na katawan pagdarating ang uwian.

Ang likod ay ilapat, isasalampak sa upuan
Hihimasin ang bote, sabay kutib ng pulutan
Lagok at laklak, palamigin ang lalamunan
Agua-patarantang magliligaw sa katinuan.

Unti-unti’y palapitin, ang espiritong panglaw
Galing sa hukay ng basong ‘di bumababaw
Tuwing hihibas, sasalinan para umibabaw
Ang mga bulang sa kalungkuta’y pupukaw.

Upaupin ang tabakong sa inip magtataboy
Sumipol ng kundimang parang nananaghoy
Gunitain mga kaibigang ngayon ay palaboy
Mga dating kaulayaw sa pagtungga ng Tapoy.

Hala, inom Jepoy! Hanggang likod mamula
Ang iyong dibdib, kulapol na ng mga mapa
Matang pakurap-kurap, kaharap gumaganda
Isip ay palutangin sa mga usapang kayganda.

Isagad hangga’t kaya, ‘wag lang manggugulo
Huwag maligalig at baka suka ay sumargo
Kapag ang tama ay abot na sa kabilang dako
Ipikit na ang mata, bago utak ay magkatoyo.

Bubwit, Bubwit

Bubwit, Bubwit, turuan mo kaming tanan
Kung paano tatagal sa mga hirap ng buhay.
Sa tirang pagkain, langit sa kaligayahan
Patalon-talon, upang mga bitag maiwasan.

Pasinghot-singhot ka, hangin’y nilalasap
Panganib na dala, wari mo’y nalalanghap
Mga matang malilikot, sa yabag kikislot
Tatakbo sa lungga na bahag pa ang buntot.

Ang iyong kahinaan, siya mong sandigan
Sa munting panganib, tatakbo sa batalan
Hindi kailangang ilabas ang katapangan
Na maaaring kumitil sa iyong kadagaan

Hindi gaya ng taong wala namang pangil
Bakit sobrang tapang, laging nakaangil
Kikitil ng buhay sa kakaunting pagsangil
Walang alinlangan, basta’t makasisingil.

Sa iyong pagkutib nais mo lang mabuhay
Kaakibat ay takot sa tatamang kalaykay
Nais mo mang simple lang ‘yong buhay
Hindi pwede Bubwit, kundi ika’y kikisay.

Ibahagi mo sa amin ang pagiging matibay
Paglusong sa panganib ng abang buhay.
Pagiging maingat sa mga paligid ng hirap
Pagiging masaya sa kaunting pagngatngat.

Friday, May 4, 2007

Tag-Init, Tag-Tuyot, 'Tang...

Pabiling-biling na katawan sa kamang yukyuk
Alimuom ng unan, tila lasong nakasusulasok
Kisameng butas, lagpas ang naglalarong usok
Kili-kiling pawisan malapit nang magka-putok

Matang nakadilat pumipitlag sa init, pumipikit
Butol-butol na pawis hahalo pa sa balat at singit
Amoy na masangsang, kahit saan sumisingit
Si Satanas na lang at impyerno na ang paligid.

Tigang ang mga lupa, nagsasaboy ng alikabok
Tuyo na ang talahib, patay na ang mga bukbok
Ang tubig-balon, mababaw pa sa tuhod ng lamok
At ang mga puno, lumuluha sa tinamong dagok.

Maalinsangan ang simoy ng hanging Habagat
Nagbabagang init ang sinag ng Haring Araw
Sinasaid ang mga tirang tubig sa ilog at latian
Titigil lang ‘pag sumilay ang mga tala at buwan

Kailan ka kaya dadatal, Mapagpalang Ulan?
Ibsan mo ang init na malupit sa sangkalupaan,
Tigang na lupa'y diligin, mga ilog ay padaluyin
Payagang magtampisaw ang katawang butligin.

Ngunit ang kalangitan, nakasisilaw sa liwanag
Walang dagim na nagbabadya, di nababanaag
Mangitngit na lamang, sabay kuha ng pamaypay
Iwasiwas ng todo hanggang maging lupaypay.