Friday, May 11, 2007

Ang Nasa Ni Bunso

Mata’y nakatanghod, malayo ang sipat
Utak na namamasyal, laging nalilingat
Sa mga bumibili sa tindahang makalat
Kokonti ang laman, kanina’t kinulimbat.

Puso’y masikip, sama ng loob ay kipkip
Nais tumakas sa mundong sumisikip
Tanang buhay nya’y lungkot ang bitbit
Mga karanasa’y lagi na lang sumasabit.

Hinangad niyang mag-aral, dili’t nabitin
Dala ng kakapusan, pinili ang pagpigil
Sa pagtugis sa pangarap na napakasutil
Isama pa ang inay na laging nakaangil.

Sa paghabol sa ligaya, biglang nagpasya
Na iwan ang pamilyang dati’y nag-aaruga
Ninais mangibang-bayan kahit may duda
Basta’t makalayo sa lumbay na nadarama.

Isusugal ang buhay sa Gitnang Silangan
Kung saan, maraming pangarap ang tangan
Makalayo, makasibat, takasan ang buhay,
Buhay n’ya ngayong, luha’y ‘di napaparam.

Pagtakas nga kaya ang iisang kadahilahan
O meron pang ibang gumugulo sa isapan?
Ang pag-alis kaya ay isa namang pagdatal
Bagong yugto’t ligaya ng kanyang buhay?

Pag-irog ba ang humihila, kaya ‘di makali?
Pagnanasang makasama, isang kaibigan dati.
Pumukaw sa kanyang lihim na pagkandili
Pag-ibig nga kaya at wala nang ibang dili?

Yaon, Bunso, sundin ang tulak ng damdamin
Huwag isipin sasabihin ng mga matatabil
Ipahayag ang pagliyag sa malayong sulok
Doon na walang kukutya, walang susubok.

No comments: