Pagal mong isipan, batbat ng katanungan
Sagad sa alapaap na duduyan sa katinuan
Lulunurin ng alak upang konting maibsan
Kapoy na katawan pagdarating ang uwian.
Ang likod ay ilapat, isasalampak sa upuan
Hihimasin ang bote, sabay kutib ng pulutan
Lagok at laklak, palamigin ang lalamunan
Agua-patarantang magliligaw sa katinuan.
Unti-unti’y palapitin, ang espiritong panglaw
Galing sa hukay ng basong ‘di bumababaw
Tuwing hihibas, sasalinan para umibabaw
Ang mga bulang sa kalungkuta’y pupukaw.
Upaupin ang tabakong sa inip magtataboy
Sumipol ng kundimang parang nananaghoy
Gunitain mga kaibigang ngayon ay palaboy
Mga dating kaulayaw sa pagtungga ng Tapoy.
Hala, inom Jepoy! Hanggang likod mamula
Ang iyong dibdib, kulapol na ng mga mapa
Matang pakurap-kurap, kaharap gumaganda
Isip ay palutangin sa mga usapang kayganda.
Isagad hangga’t kaya, ‘wag lang manggugulo
Huwag maligalig at baka suka ay sumargo
Kapag ang tama ay abot na sa kabilang dako
Ipikit na ang mata, bago utak ay magkatoyo.
Monday, May 7, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment