Pabiling-biling na katawan sa kamang yukyuk
Alimuom ng unan, tila lasong nakasusulasok
Kisameng butas, lagpas ang naglalarong usok
Kili-kiling pawisan malapit nang magka-putok
Matang nakadilat pumipitlag sa init, pumipikit
Butol-butol na pawis hahalo pa sa balat at singit
Amoy na masangsang, kahit saan sumisingit
Si Satanas na lang at impyerno na ang paligid.
Tigang ang mga lupa, nagsasaboy ng alikabok
Tuyo na ang talahib, patay na ang mga bukbok
Ang tubig-balon, mababaw pa sa tuhod ng lamok
At ang mga puno, lumuluha sa tinamong dagok.
Maalinsangan ang simoy ng hanging Habagat
Nagbabagang init ang sinag ng Haring Araw
Sinasaid ang mga tirang tubig sa ilog at latian
Titigil lang ‘pag sumilay ang mga tala at buwan
Kailan ka kaya dadatal, Mapagpalang Ulan?
Ibsan mo ang init na malupit sa sangkalupaan,
Tigang na lupa'y diligin, mga ilog ay padaluyin
Payagang magtampisaw ang katawang butligin.
Ngunit ang kalangitan, nakasisilaw sa liwanag
Walang dagim na nagbabadya, di nababanaag
Mangitngit na lamang, sabay kuha ng pamaypay
Iwasiwas ng todo hanggang maging lupaypay.
Friday, May 4, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment