Sunday, May 20, 2007

Awit para kay Elysse Joy

Pakatibayan ang loob o Aking Bunso
Dalang karamdaman, pilit labanan mo
Huwag padadala at huwag pakalulugso
Darating din ang lunas sa mga sakit mo.

Luha’y pakapawiin sa tatamang aspile
Iyak pakapigilin sa gamot na malaasoge
Yayaon din mga hirap na hindi malimi
Sisikat din ang araw paglipas ng gabi.

Pakahintayin lamang tamang panahon
Na ang iyong Ama ay makapag-ipon
Ng tamang halaga para sa operasyon
Pasasaan ba’t sa balakid ay makaaahon.

Mumunting kamay, lagi naming akay
Hindi ka iiwan, palagi kang isa-sabay
Sa iyong paghakbang kami’y gagabay
Sa iyong paglaban kami’y nakaalalay.

Pakaisipin lagi sa iyong murang isipan
Pag-aaruga nami’y hindi mababawasan
Pag-galing mo ay pilit naming ilalaban
Maging daan man ito sa ating kahirapan.

Ang iyong mga ngiti, dala ay liwanag
Sa maunos na yugto ng iyong buhay
Tila ba’t dag-im sa langit ay ‘di banaag
‘Wag lang iingit ng panaghoy na bahaw.

Kumapit ka aking bunso, ‘wag bibitaw
Iduduyan kita sa himig ng kundiman
At sa pagpikit ng bilugang balintataw
Baunin mo’y lakas na walang pagpanaw.

1 comment:

Mamcie said...

i wish i can be as expressive in the native language as you do... i know our JOY will appreciate how you immortalize her journeys at such a young age...

needless to say, the moment to show our love, to give our time is NOW... its a borrowed life and i dread for it to be taken away when we've so worked hard to fight this game...

and the question is...
what else can we give up and sacrifice for the sake of her young life?